Isang magandang bagay sa pag-aaral sa isang lawskul ay ang hectic na skedyul ng mga propesor n’yo. Madami kasing mga paglilitis sa kung saan saang korte, pagsasaliksik, atbp. Dahil dito, marami talaga ang pagkakataon na wala kayong klase dahil wala ang propesor. Ang masaklap na bagay sa pag-aaral sa isang lawskul ay palagi-laging makakahanap ang mga propesor ninyo ng paraan para bumawi. Magmemake-up class sila kahit anong mangyari, matapos lang ang sandamakmak na babasahin na kailangan para makapasa kami (OO, makakapasa kami…) ng Bar kapag kailangan na itong kuhain. At dahil sila ang mga magigiting naming propesor, kailangan namin umatend ng make-up class. Wala nang angal-angal pa. Pag sinabing may make-up class bukas ng alas-singko ng umaga, kailangan kang pumunta kahit na puyat ka at alas-tres ka na nang madaling araw natulog. Bakit? Kasi, kapag natawag ka ng propesor sa recitation at wala ka sa class, aba, isang nagsusumigaw na singko (5.0) lang naman ang makukuha mo. Walang tanong-tanong. Kung wala ka, at natawag ka, singko na yun. Kaya kaming mga abang istudyante, talagang pumapasok kahit hindi nagtsetsek ng attendance ang propesor.
Kaya ganun na nga. Dahil malapit-lapit na matapos ang sem at wala pa kami sa kalahati nang dapat namin pag-aralan, nagkaroon kami ng isang make-up class kahapon. Umasa ako na dahil make-up class lang naman siya at dapat ay binibilisan na namin ang diskusyon, ay magiging mabait ang propesor namin. Yung tipong hindi na siya masyadong magtatanong ng detalye ng kaso na inaaral namin o maninigaw ng mga hindi makakasagot. Mas mainit kasi ang ulo ng propesor, mas mabagal ang usad ng diskusyon kasi may mga sigaw at pagpapagalit na kasama kapag ganito ang sitwasyon. Pero nagkamali ako. Asa pa akong mangyayari iyon. Buti na lang hindi ako ang kawawang nilalang. Ganito ang mga pangyayari…
Pagkapasok pa lamang ng propesor namin sa silid-aralan, nagtawag na ito agad ng sasagot. Okey naman ang natawag, kasalukuyan na siyang nagrerecite ngunit may tinawag pa ang propesor namin na ibang istudyante…
Propesor: Okay, Mr. *****, continue…
Mr.****: ……… (hindi makasagot)
Propesor: Have you read the case? (medyo galit na si propesor)
Mr. ****: no sir…(sabay iling)
Propesor: why have you not read the case? You had so much leeway already. Mind you, the deadline for dropping this class is next week. Get out!
Yan, yan lang naman ang aming sitwasyon sa subject namin sa propesor na ito. Magaling siya, pero mabagsik. Hindi ako naniniwalang hindi nagbasa ng kaso ang kaklase ko. Pakiramdam ko, naunahan lang siya ng takot at kaba. Tipong nais na lamang niyang matapos ang kanyang paghihirap kaya isinuko na lang niya ang laban. Pag sinabi niya kasi na nabasa nga niya ang kaso, tatanungin siya ng tatanungin ng propesor namin tungkol dito. Tsk, tsk.
Pagliliwanag lang, hindi naman lahat ng propesor namin ay mabagsik. Lahat sila magaling (uyy…sipsip…), pero hindi naman lahat kasing bagsik. Hehe…swerte lang talaga ang klase namin at siya ang naging propesor namin sa subject na iyan. Oh well…
